Lunes, Enero 16, 2017

Mga Talulot ng Dugo

PAGKILALA SA MAY-AKDA

Si Nguyi wa Thioģo ay pinanganak sa Kamiriithu, Kenya. Siya ay isang manunulat sa bansang Kenya. Isa siyang nobelista, mananalaysay, mandudula, peryodista, editor akademiko at aktibista. Nakatanggap siya ng pitong Honarary Doctorates. Nailimbag niya ang kaniyang unang nobela na Weep Not, Child noong 1964. Ito ang unang nobela sa Ingles na nailimbag ng isang manunulat na galing sa East Africa. Ang kaniyang ikalawang nobela na The River Between ay nailimbag noong 1965 habang siya’y nag-aaral sa University of Leeds sa England. Itong nobelang ito ay patungkol sa nakaraan niyang Mau Mau rebellion at naglalarawan sa malungkot na pagmamahalan sa pagitan ng kristiyano at hindi kristiyano. Si Nguyi ay nakulong dahil sa kanyang pagiging kritikal ukol sa mga nagaganap na inhustisya at di pagkapantay-pantay ng lipunang Kenya. Siya ay ipinakulong ng bise-presidente ng Kenya na si Daniel arap Moi. Habang siya’y nakakulong, napagpasiyahan niyang talikuran ang wikang Ingles at yakapin ang wikang Gikusyu, wika ng kanyang bayan. Sa loob ng piitan ay isinulat nya ang unang nobela na nasa wika ng Gikuyu at ito ay kaniyang isinulat sa tissue paper. Nang siya’y lumaya, hindi na siya nakabalik sa kaniyang trabaho bilang propesor sa Nairobi University dulot ng pagsusulat niya tungkol sa hindi makatarungang diktatoryal na pamahalaan noong panahong iyon. Si Nguyi at ang kaniyang pamilya ay napwersang lumipat. Naging ligtas lamang para sa kanila ang bumalik makalipas ang dalawampu’t dalawang taon mula ng pagkakatanggal ni Arap Moi sa opisina.




URI NG PANITIKAN

Ang istoryang "Mga Talulot na 
Dugo" ay isang nobela. Ang nobela ay isang mahabang kuwentong piksyon na binubuo ng iba't ibang kabanata. Mayroon itong 60,000-
200,000 salita o 300-1,300 pahina. Ang istoryang "Mga Talulot na Dugo" ay isang nobela dahil ito ay isinalaysay ng mga pangyayaring malawak ang saklaw. Binubuo din ito ng maraming tauhan at iba’t ibang tagpuan. Maaari din nating ituring na bayani si Munira dahil sa kanyang ugali at mga ginagawa at sa isang nobela, makikita roon ang pagiging bayani ng isang tao. Mapapaisip ka rin dito dahil maraming impormasyon na hindi lantaran ang kahulugan.





LAYUNIN NG AKDA

Ang layunin ng akda ay maipaalam ang kalagayan o hirap na nararanasan ng mga tao sa isang lugar. Pwede itong magsilbing maging daan tungo sa pagbabago ng sarili at lipunan. Nais ng akda na maipaalam sa mga mambabasa ang nangyayari sa mga probinsya sa ibang lugar. Gusto nilang maging mulat ang ibang tao tungkol sa edukasyon sa Ilmorog. Sinasabi nila na hindi maunlad ang antas ng edukasyon doon sa lugar na iyon ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa. Nais din nilang may mapulot na aral ang mga mambabasa tungkol sa pagiging determinado ng isang tao para makatulong sa kapwa. Itong akda ang magsisilbing gabay ng ilan para magkaroon sila ng ideya sa nangyayari sa lugar na iyon.


Teoryang pampanitikan:

1. Sosyolohikal- ipinakita sa akda ang kalagayan at suliraning panlipunan ng isang lipunan o lugar. Kung saan ang lugar ng Ilmorog ay mayroong suliranin tungkol sa edukasyon.

2. Realismo- ipinakita sa akda ang nasaksihan o naranasan ng may-akda na si Ngugi Wa Thiong'o sa Kenya.

3. Klasisismo- ang nobela o ang akda ay nagkaroon ng maayos na wakas kung saan hindi naging dahilan ang pagkawala ng pagasa ni Munira na magturo sa mga kabataan sa Ilmorog.

4. Eksistensyalismo- ang bida na si Munira ay nagkaroon ng kalayaan upang magdesisyon. Nagdesisyon siya na manatili sa Ilmorog upang maging ganap na maunlad ang edukasyon doon at hindi siya tumigil sa pagkakaroon ng pag-asa.



TEMA O PAKSA NG AKDA

Ang tema ng akda ay tungkol sa pagpapahalaga sa edukasyon dahil napakita dito ang kalagayan ng mga kabataan sa Ilmorog na walang kaalam alam at interes sa pag-aaral. Ito ay makabuluhan dahil mayroon pa ring mga isyung ganito na nangyayari, lalo na sa mga tagong lugar sa probinsya. Umiikot ang akda sa larangan ng edukasyon at mga taong nakatira sa Ilmorog. Ang tema din nito ay ang pagiging matiyaga ni Munira para maturuan at maisaayos ang paaralan.




MGA TAUHAN/KARAKTER SA AKDA

  • Godfrey Munira – isang dakilang guro na masikap ayusin ang mga silid upang makapagturo sa mga batang huminto sa pag-aaral.
  • Mga Bata – ang mga batang nahinto sa pag-aaral dahil mas pinili ang pagpapastol para makatulong sa pamilya .
  • Mga nakatatanda – mga matatandang nagmamasid at pinag-uusapan  si  Munira sa paglilinis ng mga silid.
  • Nyakinyua –ang matandang babae na tumae sa pagitan ng paaralan at ng akasya. Siya rin ang nakausap ni Munira sa may bakod ng paaralan.
  • Ndemi  -ang maalamat; ang kanyang espiritu minsa’y nagtanod sa bayang Ilmorog bago dumating ang imperyalismo at palitan ang plano ng mga bagay.
  • Mwathi wa Mugo – ang nangutya sa maalamat na si Ndemi; ang nagsabi na gawing banal para sa mga tagaytay at kapatagan at naghatol ng paghadlang.
  • Muriuki – batang lalaki na ayaw mag-aral.
  • Waambui – ina ni Muriuki.
  • Abdulla – bagong salta sa Ilmorog; ang lumpo.
  • Joseph – maliit at patpating kasama ni Abdulla na nakikipag-usap kay Munira. Nagtitinda ng mga sufurias at mga plato pati mga mumurahing lana.
  • Tandang Njogu – ang isang matanda na natatawa at nangutya  sa usapan at hiling nila Abdulla, Joseph at Munira.
  • Muturi – isa sa mga matitipunong matatandang lalaki na sumali sa pag-inom ni Munira; naglulutas sila ng mga hidwaan sa pagitan ng mga pamilya pati na rin sa kanilang komunidad.
  • Njuguna - isa sa mga matitipunong matatandang lalaki na sumali sa pag-inom ni Munira; naglulutas sila ng mga hidwaan sa pagitan ng mga pamilya pati na rin sa kanilang komunidad. May ambisyon na makapagsuot ng ngome upang mag mistulang isang mayaman.
  • Ruoro - Isa sa mga matitipunong matatandang lalaki na sumali sa pag-inom ni Munira; naglulutas sila ng mga hidwaan sa pagitan ng mga pamilya pati na rin sa kanilang komunidad.:
  •  Mzigo - ang nagpadala kay Munira sa Ilmorog.






TAGPUAN/PANAHON

Mga panahon:

  • Labindalawang taon pagkaraan- kung kailan napadpad si Godfrey Munira sa paaralan sa Ilmorog.
  • Isang buwan- kung gaano niya katagal nilinis ang napabayaang paaralan.



Mga tagpuan:
  • Ilmorog - bayan kung saan ipinadala si Munira upang magturo sa mga kabataan na huminto sa pag-aaral para makatulong sa mga magulang sa pagtatrabaho.
  • Abandunadong paaralan - kung saan nakita ni Munira na luma na at maraming sirang pinto at kisame at marami ding patay na insekto.
  • Pagitan ng paaralan at akasya - kung saan tumae ng gabundok ang matandang babae.
  • Ilalim ng punong akasya - kung saan isinagawa ni Munira ang unang pagtuturo niya.
  • Kei-apple na bakod ng paaralan – kung saan hinintay ni Munira ang bata, at kung saan ay nakita niya ng di inaasahan ang matandang babae.
  • Tagaytay - kung saan nahuli ni Munira ang ilang kabataan na hindi pumasok sa paaralan.
  • Tindahan ni Abdulla - kung saan nagkausap si Munira at tatlong matatandang lalaki.
  • Burol at kapatagan – kung saan niya hinanap ang iba pang mag-aaral na hindi na pumapasok sa paaralan.
  • Ruwa-ini - lungsod na mas maunlad pa sobra kaysa sa bayan ng Ilmorog; kapitolyo ng distrito ng Chiri.





NILALAMAN/BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI 

Naiiba ito sa iilang akda dahil sa layunin ng tauhan na si Munira na hindi sinasang-ayunan at pinapaniwalaan ng iba. Ang pagiging dedikado ni Munira sa pagtuturo at sa paaralan ay lumulutang din sa kabanata na ito. Ang takbo naman ng akda ay medyo tipikal kung saan nagsisimula ito sa isang suliranin (ang napapabayaang pag-aaral) at nagtatapos sa punto na nareresolba ang suliraning ito. Natatangi naman ito para sa amin dahil sa kulturang ipinakita, kung saan si Munira na isang bagong salta sa kanilang lugar ay hindi sinalubong o binati ng ibang mga tao. Hindi gaya sa ibang kwento na malugod na sinasalubong ang mga dayo sa kanilang lugar. Pinapakita rin dito ang pagkakaroon ng tauhan ng malalim na pananalita na para bang may mas malalim pang ibig sabihin ang mga salita nila. Naisalaysay naman nang maayos ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari kung kaya’t maiintindihan pa rin.



MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA

“Iniwan tayo ng ating mga kabataan. Tinawag sila ng 
kumikinang na bakal”

“Nahihinto sa pag-aaral ang mga kabataan na nais 
makatulong sa pamilya o makapagtrabaho”

"Itong mga bata…. Maraming banyagang mga pananalita sa 
inyong mga kukote”

“Ang mga batang babae paminsan-minsa’y bumabalik para lamang iwan ang bagong panganak sa kanilang lola na tumatanda na sa kakakahig sa lupa para sa isang butil na buhay”

“Mga batang lalaki rin. Umaalis ang ilan at kailanma’y hindi 
na bumabalik.”


"Hindi ba't may isang tahimik na sulok na mapagtataguan at 
mapagtatrabahuhan, magtanim ng isang butil na ang mga bunga'y maaaring makita?"

“Ang kamay ng isang Msomi ay mismong isang aklat”

“Ang dala nila’y pighati sa halip na kambing”

“Ang kanilang kausyosohan sa takot na nagtatago sa mga 
mukhang nakaupo sa mga sulok ng magagarang Mercedes Benz, sa kabila ng mga dingding ng mga mansiyon at mga pribadong klub na dating nakalaan lamang para sa mga Europeo”

“Ang kanilang katapatan na maipagkakaiba sa malalaking 
tiyang buntis sa malisya’t katusuhan na binabagtas ang 
kahabaan ng isang golf course habang nakikipag-ayos ng mga negosyo"

“Pero kinakailangang kumuha kayo ng gurong magtatanggol 
sa ganitong masungit na pakikitungo at pagwawalang-bahala ng sambahayang laban sa kaliwanagan at pag-unlad.”

“Ang edukasyon ay susi sa pagsugpo ng kahirapan sa 
buhay"

“Pumasok sa paaralan upang higit na dumami pa ang inyong kaalaman”




ISTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA

Sa kasagsagan ng akda ay makikita ang masyadong 
paglalarawan sa iilang mga bagay. May ilang punto kung saan tila ito'y sobra kaya nagiging kalito-lito. Pero karamihan naman dito ay nagagawang kawili-wili ng may-akda dahil nagagawa nitong tumakbo sa imahinasyon ng mga mambabasa. Gumamit din ng mga malalalim na salita at pahayag ang may-akda. May pagka-misteryoso din ang pagkakasulat sa akda dahil sa mga 'di-lantarang kahulugan ng mga pahayag nito. Tunay na mapapaisip ang mga mambabasa para maliwanagan sa iilang pahayag dito.



BUOD 

Labindalawang taon na ang 
nakararaan, dumating si Godfrey Munira sa probinsiya ng Ilmorog. Nakita niya na hindi kaaya-aya ang bahay sa bakuran ng paaralan pati na mismo ang loob ng paaralan Napag-usapan agad ng mga matatandang babae at lalaki and pagdating ni Munira. Sinabi nila na hindi magtatagal si Munira tulad ng ibang guro doon. Bukod kay Abdulla at Nyakinyua ay wala na raw na magtitiyaga na mga bagong salta sa lugar ng Ilmorog. Ang mga mag-aaral ay mas pinipili pa ang pagpapastol upang sundan ang kanilang mga ama kaya hindi sila nakakapagtapos ng pag-aaral. Sa kabila ng lahat ng ito ay nanatili pa rin si Munira doon.  Kinagabihan, bilang pagbati kay Munira sa lugar nila, tumae ang isang matandang babae malapit sa paaralan at sa akasya kung saan nagtuturo si Munira. Sa loob ng isang linggo, wala masyadong mag-aaral sa loob kaya sinubukan silang hanapin ni Munira. Mayroon siyang naabutang isang bata na nagngangalang Muriuki at pinapangakong babalik siya sa paaralan kasama ang iba pa.  Pagkabalik ni Munira ay may nadatnan siyang isang matandang babae sa may bakod ng paaralan. Kinausap siya nito at nagsimulang magkwento tungkol sa mga kabataan. Na ang bagong henerasyon daw ng Ilmorog ngayon ay parang pareho sa pangyayari noong sinalakay ng  Mzungu ang kanilang mga kababayan – mga malas o walang magandang naidudulot. Hindi na gumagawa ng tama ang mga batang babae at lalaki sa Ilmorog. Natatakot na sila na sa tuwing may dadating bagi ay salot lamang ang maidudulot nito. Nalingat lamang sandali si Munira at nang ibalik na niya ang tingin sa matanda ay nawala na ito. Pagtapos ng pangyayaring iyon ay nagpunta si Munira sa tindahan ni Abdulla. Si Abdulla ay bagong salta rin doon at kasa-kasama niya si Joseph. Noong una ay hindi kasundo ng mga taga roon ang dalawa ngunit nang makalaon ay nagalak na sila dahil mayroong tindang asin, paminta at alak si Abdulla. Nakarating na si Munira doon at binigyan ng beer. Hindi pa siya nagsisimulang uminom ay may sumali sa kanya na tatlong matatandang lalaki na sina Muturi, Njuguna at Ruoro. Silang tatlo ay kilala bilang mga tagalutas ng mga hidwaan sa pagitan ng pamilya, komunidad at mga nagpapastol. Sinimulan ng tatlo na kausapin si Munira. Sinabi nila na ang kamay ng mga taga nayon na dumarating sa lugar nila ay mistulang may suot na ngome kung kaya’t sila ay malinis at hindi nadadapuan ng lupa. Ambisyon iyon ni Njuguna. Ang makapaguot ng ngome at magmistulang isa sa mga mayayamang tao. Naisip ni Njuguna na hindi siya magiging isa sa mga ito sapagkat may sapat na mga tagapagmana ang pinuno ng malalaking pamilya. Si Njuguna ay hindi nawawalan ng pag-asa kahit na pinagkakasya niya lamang ang kanyang maliit na lupain at mahihinang pansaka. Nagtanong bigla si Abdulla na kung kaya ba ni Munira na pangasiwaan nang mag-isa ang paaralan. Hindi rin nawawalan ng pag-asa si Munira at ipinaliwanag niya ang kanyang pag-asam sa kinabukasan ng paaralan. Hiningi niya rin ang pakikiisa ng mga ito sa kanyang pangarap. Ngunit walang nangyari matapos ang ilang araw. Masusungit pa rin ang mga taga-Ilmorog at wala silang pakialam kay Munira. Walang nakikiisa sa kanya at miski ang ibang mag-aaral ay hindi pa rin nagpapakita. Kaya nagpatawag ng asambleya si Munira na limang mag-aaral lamang ang dumalo. Sinabi ni Munira na kailangan nilang humanap ng ibang guro na kayang tugunan ang pagsusungit at pagsasawalang bahala ng mga tao roon. Matapos sabihin ni Munira ang lahat ng iyon, nakita niya ang mukha ng ilan na tinatawanan siya dahil sa kanyang pagsuko. Inisip niya na ginawa lang syang loko-loko ng mga iyon. Umalis na siya sa llmorog at bumalik sa pinanggalingan niya. Sa distrito ng Chiri pumunta si Munira at tinungo ang Ruwa-ini. Pumasok siya sa opisina ni Mzigo. Tinanong siya nito tungkol sa paaralan sa Ilmorog at nabanggit din niya na uupa sila ng mga guro sa UT. Hindi naniwala si Munira na makakatanggap siya ng tulong at pupunta sila sa Ilmorog. Ngunit napagtanto rin niya ang ipinapahiwatig ni Mzigo. Naisip niya si Abdulla, Nyakinyua at mga batang mas pinili pa ang pagpapastol. Naunawaan niya na ang ibig sabihin ng mga ito. Kinumpirma pa ni Munira kung makakatanggap nga siya ng tulong sa ibang guro sa UT at nang marinig ang tugon, naging mas determinado siya. Mas determinado siya na turuan ang mga bata at palakihin ang paaralan doon. Babalik siya sa Ilmorog upang ituloy ang kanyang pangarap para sa paaralan pati na rin sa mga tao roon.